Thursday, July 26, 2007

Absent Ngayon dahil Absent-minded

Masaya akong nagising ngayong araw na 'to, dahil isang araw na naman ito ng klase sa Unix.

Emil: Good morning sunshine! Good morning clouds! Good morning birds! Good moorrnniiing!!
Mama: Magmumog ka 'dun, ambaho ng hininga mo.

Nagimpake ako dahil ako ay pupunta na sa apartment namin. Tumae. Naligo. Nagayos. Kumain. Nagayos ulit. Nagweewee at lumarga na. Masaya rin ang byahe, kahit pinipigilan ko ang tawa ko dahil sa binabasa kong libro ni Bob Ong. Nanginginig na labi ko, pinipilit na 'wag matawa baka kasi lumayo yung katabi ko sakin.

Dumating na ko sa apartment. Pinalantsa ang mga dala kong uniform. Nagbibihis at biglang napamura. Ay butas ng pwet! Nakalimutan ko ang sapatos ko sa aking Hometown. Kung ano pa ang malaki laki, e 'yun pa ang nakalimutan ko. Nadala ko ang mp3 player, flash drive, brief, panyo, medyas at mga dvd, pero ang sapatos kong kaisa isa, hindi. Nagisip ako, kung manghihiram ako... ako ang pinakamaliit sa amin at proportional naman katawan ko, hindi pang clown ang paa ko, walang magkakasya na sapatos sakin sa mga kabarkada ko. Kung uuwi naman ako sa hometown at papasok sa iskul... hindi ako ganon kasipag, salamat nalang.

Nakita ko ang tv, dvd player, malambot na upuan, chicha at mga dvd na dala ko... Napagdesisyunan ko nang hindi ako papasok. Nanood nalang ako ng movies at eto sila.

Movie # 1: Evan Almighty
Maganda ang quality ng video, astig. Ang story... kung ano yung napanood ko na trailer, parang ganon na din yung buong pelikula. Pero nakakatawa ang movie, may moral story, at kung ano ang moral story, akin nalang yun.
Rating: 3 out of 5

Movie # 2: Fantastic Four: Rise of the Silver Surfer
Masaya ang pagkakatabingi ng videocam na pinangkuha habang pinapalabas ito sa sinehan. As in tabingi, yung tipong sulok nalang ng screen yung nakikita mo. Syempre di namana ako ganun ka-martir, proceed na ko sa next movie.
Rating: 0 out of 5

Movie # 3: Ratatouille
Bago para sakin yung concept ng movie, Iron Chef na daga. Ayun lang masasabi ko. Speechless na.
Rating: 4 out of 5

Movie # 4: Harry Potter and the Order of the Phoenix
Sa SM North na ko nanood, sa Cinema 7, 7:10 PM nagstart. Hmmm, dahil di ko naman nabasa yung libro, di ako ganung nadisappoint tulad ng mga nakabasa talaga nung libro. Nakornihan lang naman ako sa kissing scene ni Harry at... at... at... basta yung asian girl, akala ko kasi may "more part" pa eh. Anyway, korni din yung pagkamatay ni Siruis Black, mas gusto ko pa kung pano mamatay yung mga gang members sa mga action film ni Robin Padilla, na namamatay lang sa isang bala pero yung bida hindi tinatamaan ng bala.
Rating: 3 out of 5


Peace Out!

Sunday, July 22, 2007

Tambay

Sa isang araw na masarap ipangbuklod ang beer, sigarilyo at baon na kwentuhan, masarap makasama ang mga kaibigan. Nakakagaan ng pakiramdam ang mga oras na pwede mong sabihin ang problema mo, pakikinggan ka nila, at may isang magjo-joke tungkol dun at syempre sasabihin mo... "tangina mo!" sabay chop sa leeg niya, sabay malakas na tawanan. Pero hindi parin mawawala ang mga seryosong parte sa loob ng bilog ng mesa, mga payo at pagbibigay linaw sa magulong sudoku ng buhay.

Pagkatapos mabuga ang lahat ng usok, maubos ang pulutan, mainom ang lahat ng laman ng bote, magiging mas maayos kaysa sa dati ang mga bagay bagay, at masasabi mo sa huli na... "kaya ko 'to... kakayanin ko 'to...".

Rock on lang sa magulong moshpit ng concert ng buhay... Czarina at Lois. :o)

Peace Out!!

Wednesday, July 11, 2007

Buhay Buhay

Medyo magulo pa buhay ko ngayon, wala pang linaw ang mga sumusunod:

1. Thesis (Bukas namin malalaman)
2. Kwarto ko (Pinipinturahan pa, sa sofa ako matutulog ngayon)
3. Harry Potter ('Di ko pa alam kung kelan ako manonood)
4. Quiz sa Numerical Methods (Huling balita: Nasa emergency room daw ang prof namin)
5. Lablayf (Kanta nalang tayo ng "Makulay ang buhay sa sinabawang gulay!!")

Pero inpsite ng mga bagay na 'to, masaya parin dapat. Parang 'yung mga nakita ko sa daan nung nasa byahe ako. Una, sa jeep, "Full the string to stop. Hila mo, tigil ako". Parang yung SM Horizon lang na nakita namin sa bus nung papunta kaming Cavite. Anyway, eto pa ang iba, "Laundryvouz" isa itong laundry shop, pangalan palang, sosyalin na. Eto pa, "Ritchie Cuarda for Congressman", kung ako ang campaign manager nya, papalitan ko yun. Gagawin ko iyon na "Ritchie "da howsie" Cuadra for Congressman". Mas may dating di ba.

Samu't saring bagay pa ang nakita ko, gym na puno ng papang pawisin, rugby boys, yosi boys, ang tongits barkada, duguang lalaki (nasaksak ata, tapos pumapara siya ng dumadaang sasakyan, punta yatang ospital, hula ko lang ah) at iba pa. Eto pa napansin ko nun, ang magaling na driver ay consistent na nasa right lane, tumitigil kahit 'di naman pinapara. Kung seswertehin ka ba naman, uwing uwi ka na, ganito pa. Gusto ko na ngang kumanta nun ng "to the left, to the left (2x) please manong driver drive to the left".

~o~o~o~o~o~


Sa problemadong buhay, 'di naman dapat laging mabilis ang pagbigay ng solusyon. Unti-unti lang, parang 'pag gagawin mong sorted ang buhay mo ay gamitan mo ng bubble sort, matagal ang execution, pero dapat sa bawat passes nito sa buhay mo ay may matutunan ka. O kaya, gamitan mo ng Taylor's Series, habang naso-solve mo ang values ng mga terms ay lumiliit ang absolute error mo, kahit pano ay malapit ka na sa true value ng buhay mo.

Mukhang mahaba ang nagawang source code ni Lord para sa buhay ko at natatagalan ang pagcompile nito. Hanggang ngayong wala paring linaw, 'di parin alam kung may undeclared variable o missing na semi-colon. At kung wala ngang error, at nai-run na ang program ko, 'di pa sure kung wala itong logical error at hindi magi-infinite loop. Alam kong sa huli, ako parin ang programmer at gagawa ng testing at debugging sa buhay ko.

~o~o~o~o~o~


Nang bababa na ako, binasa ko ulit ang nakasulat, "Full the String..."

hmm...

Full?? ...

hmm...

"Ma! para ho! *pitik sa bubong ng jeep*"


Peace Out!

Sunday, July 08, 2007

Uwian

Tanaw na kita sa paglabas mo sa college building at papunta ka na dito. Ang ganda mo talaga, lalo na 'pag tumatawa ka kasama ang barkada mo. Teka, salubungin na kaya kita, mukhang mabigat ang mga dala mong libro. Hintayin nalang kitang makarating dito, pagmamasdan muna kita.

Malapit ka na... sampung hakbang... Nasa tabi na kita...

At nasa tabi ka na ng boyfriend mo...

Aalis na ko, ingat ka, mag-enjoy ka sana kasama niya. Tara pare, yosi tayo sa labas ng campus, ibuga mo nalang kasama ng usok yang nararamdaman mo para sa kanya.